Ingat sa paggamit ng internet!
Paano magiging safe ang ating anak online
Nagiging mahalagang parte na ng buhay ng mga bata ang pag-o-online, lalo na sa kanilang pag-aaral, paglilibang at pakikipag-usap sa kanilang mga kaibigan. Kahit na maraming benefit ang paggamit ng Internet, kailangang tandaan na nagiging expose din sila sa iba’t ibang panganib na nangyayari sa online world tulad ng cyberbullying, scams, lalo na sa abuse, exploitation at harassment.
Narito ang ilang paraan para maprotektahan ang ating mga anak online:
1. Aralin ang mga patok na social media app
Alamin ang mga online app na kinahihiligan ng ating mga anak. Maging familiar kung paano ito magagamit sa mas mabuti, masaya at ligtas na paraan. Normal lamang na manibago sa umpisa kaya huwag mahihiyang magpaturo sa kapwa magulang o maging sa mga bata.
2. Maging aware sa mga potential risk
Alamin ang mga potential risk o panganib para maprotektahan ang ating mga anak online:
- Cyberbullying
- Online sexual abuse at exploitation
- Harmful at inappropriate content o posts
- Misinformation, disinformation o fake news
- Scams, malware, ransomware o computer virus
3. Gamitin ang available na safety features
Kilalanin ang mga available na privacy at security setting ng ating gadgets para hindi makapasok o ma-access ang mga nakakapahamak na content. Pwede ring kumonsulta sa isang Information Technology (IT) expert, kapamilya, lugar na pinagbilhan ng gadget o internet service provider.
4. Be present sa online world ng ating anak
Screen time shouldn’t mean alone time. Mahalaga ang pag-set ng rules o limits para matutukan sila sa paggamit ng cellphone, tablet o computer. Isama sa family bonding ang pagkilala sa mga paborito nilang online games o mga kinahihiligang panoorin. Makakatulong ito para maging kumportable silang i-kwento ang kanilang online experiences
5. Tandaan ang karapatan ng mga bata kahit sa online world
Ipaliwanag sa ating mga anak ang mga pang-aabuso o pananamantalang nangyayari online, pati ang posibilidad na magmula ito sa isang hindi kakilala, friend of a friend, friend o maging kapamilya. Kaysa pigilan silang mag-internet, mas makakatulong na turuan silang umiwas sa iba’t-ibang uri ng pang-aabuso at pananamantala online, maging emotional, physical, mental at sexual man ito.
6. Huwag i-judge ang anak sa kaniyang online presence
Magkaroon ng open mind habang pinag-uusapan ang online experience ng ating mga anak. Mas mabuting maging kumportable sila kaysa matakot, mahiya o mag-alinlangang magkwento. Bigyan sila ng safe space para makapagkwento nang buo at makahingi ng tulong kung kinakailangan.
7. Pag-usapan ang do’s and don’ts online
Let’s be kind online. Turuan silang lumikha ng safe online space para sa sarili at sa ibang tao. Turuan sila na mas maging aware sa epekto ng kanilang mga comment o ugali online. Maaaring makasakit sila sa kapwa o ‘di kaya’t mapahamak ang sariling safety at privacy. Tandaan, kapag na-post na sa Internet, mahirap na itong bawiin o tuluyang burahin.
Mahalaga ang role nating mga magulang sa pag-gawa ng safer online space para sa ating mga anak. Makakabuti ang pagiging mas involved at present mula sa unang paggamit nila ng gadgets hanggang sa pag-share nila ng posts tungkol sa kanilang buhay. Laging mag-ingat at lumapit o makinig sa mga eksperto para maprotektahan natin ang ating mga anak at bawat bata online.